Madaling ma-ispotan ang mga kamote at proper rider. Isang tingin pa lang, makikilala mo na, dahil sa postura pa lang sa motor, alam mo agad kung ang rider ay aral sa tamang pagmomotorsiklo o isang sumakay lang nang walang alam.
Hindi naman kailangan pormado ka para masabing proper rider. Di kailangan na naka body-armor at mamahaling helmet para mabansagan proper rider. Ang kailangan lang ay kasuotan na rekomendado at pwedeng magbigay ng kaunting proteksyon sayo kung sakaling maaksidente.
Ano ba dapat ang tinatawag na proper riding gear? Eto ang limang payo.
- Ang kamote naka tsinelas, ang rider naka sapatos.
Naka-saad sa mga regulasyon ng LTO na kailangan ang mga rider ay naka-suot ng sapatos, para protektado ang mga daliri ng ating paa. Hindi pwede ang tsinelas na kadalasan riding wear ng mga kamote riders – dahil madali itong madulas o matanggal sa kalsada. At kung sakaling medyo gumewang ang andar mo sa motor – mas makakatulong makabalik ka sa control pag naka sapatos ka. Kung tsinelas, siguradong tuklap ang balat ng paa mo. Yan ang totoong rason bakit hinuhuli ng mga enforcer ang mga rider na naka tsinelas – dahil labag sa batas at para din sa proteksyon ng rider.
- Ang kamote naka shorts, ang rider naka pantalon.
Sabi ng kamote mas presko ang naka shorts. Pero sa matalinong rider, pantalon ang dapat na kasuotan, dahil binibigyan ka pa ng konting proteksyon ng pantalon kung sakaling bumuwal ka habang umaandar. Kumbaga, maya isa ka pang layer na tatama sa cemento bago magasgas ang iyong balat. Pag naka shorts ka naman, tiyak na meron kang mala-tosinong galos sa parte ng balat mo na unang tatama sa kalsada.
- Ang kamote naka sando, ang rider naka tshirt at jacket.
Mainit nga naman sa kalsada lalo na pag trapik, kaya ang mga kamote hilig sa mas preskong sando lang. Ang maingat na rider naman, tshirt at jacket ang suot – tiis pogi na lang sa init para masiguro ang kaligtasan. Bakit? Unang kalaban ng rider ay ang sinag ng araw na meron nakakapinsalang UV rays. Pansinin mo ang mga rider na litaw ang balat sa pag ride – two-tone, kadalasan mas maitim ang bahagi ng katawan na litaw keysa nakatago sa damit. Dahil ito sa sunburn na pwedeng pagmulan ng kanser ng balat kung palagian ang exposure. Dagdag mo na rin ang proteksyon sa balat pag na aksidente, hindi balat agad ang magagasgas ng cemento ng kalye.
- Ang kamote naka cap, ang rider naka helmet.
Sa pormahan, di padadaig ang kamote na talaga namang pasikat sa pag-suot ng pinaka latest nya ang mamahaling NBA cap. Pero ang maingat na rider, helmet ang batayan ng pormang pangkaligtasan. Dahil sa panahon ng aksidente, walang kahit kusing na proteksyon ang tela ng mga cap na maibigay sa trauma sa ulo. Buhay ang mas importante sa ride, hindi pormahan.
- Ang kamote laging pinapara at tinetikitan, ang rider na naka proper gear kinakawayan
Hindi praktikal ang pagiging rebelde lalo na kung lalabag ka lang sa batas trapiko at mga regulasyon pang motorista. Kung gusto mo maging kamote, mag handa ka ng pang tubos sa tiket mo na siguradong makukuha sa bawat tapat mo sa mga enforcer o checkpoint. Para sa mga proper rider naman, di na masyadong hassle at kadalasan kinakawayan na lang ng mga tagapag patupad ng batas.
Sundin lang ang 5 batayan na nilagay namin sa itaas. Para din naman sa inyong kaligtasan ang mga payong ito. At yan ang importante sa lahat. Dahil ang gusto namin ay laging ride safe ka, kaibigan.